Sa isang construction site habang abala ang lahat sa paggawa, tinawag ng Foreman ang tubero na nasa ground floor. Ang foreman ay nasa 7th floor ng ginagawang building. Dahil sa pinaghalo-halong ingay sa construction site ay hindi marinig ng tubero ang foreman na tumatawag sa kanya.
Para makuha ang atensyon ng tubero, naghagis ng 10 piso na barya ang foreman. Bumagsak ang barya sa tapat mismo ng tubero. Dinampot ng tubero ang barya, inilagay sa kanyang bulsa at itinuloy ang kanyang ginagawa.
Para makuha ulit ang atensyon ng tubero, naghagis naman ng 20 pesos na papel ang foreman. Itinupi muna niya ito para hindi liparin ng hangin. Bumagsak ang pera malapit sa tubero.
Ganun pa rin ang ginawa ng tubero, dinampot ang pera, ibinulsa at itinuloy ang ginagawa. Sa ikatlong pagkakataon para makuha ang atensyon ng tubero, kumuha ng maliit na kapiraso ng hallow block ang foreman at ito ang ibinato sa tubero.
Tinamaan sa ulo ang tubero. Sa pagkakataong ito, tumingala ang tubero at nakita niya ang foreman na tumatawag sa kanya. Sa wakas, kausap na ng foreman ang tubero.
Ang kwentong ito ay katulad din ng nagyayari sa totoong buhay. Minsan ay may gustong sabihin sa atin ang Diyos subalit masyado tayong abala o busy sa ating pang araw-araw na gawain.
Minsan ginagamit ng Diyos ang mga biyaya o blessings para makuha ang ating atensyon pero kadalasan masyado tayong busy para alamin pa kung kanino talaga nanggaling ang blessings.
Minsan ibinubuhos ng Diyos ang mga blessings para makuha ang ating pansin pero ganun pa rin tayo, masaya nating tinatanggap ang blessings at hindi na tinitignan kung kanino talaga ito nanggaling.
Minsan tinatawag pa natin itong SWERTE. Pero kapag tinamaan tayo ng maliit na bato, na ito nga ang mga pagsubok at suliranin, doon natin naaalalang lumingon sa taas at makipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin.
Kaya kapag may natatanggap tayong biyaya ay magpasalamat agad tayo sa Diyos at huwag na nating hintayin na tamaan muna tayo ng maliit na bato para maalala na makipag-usap sa Kanya. Manalangin tayo kahit walang problema. Manalangin tayo kahit wala tayong kailangan sa Kanya. Laging tayong Manalangin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento